Friday, December 20, 2024

Timer

Naitatanong ko rin pala minsan

Kung bakit antagal mong dumating

Sa lugar na parang

Antagal ko ng nag-aantay.


Bakit ka natatagalan dumating?

Marami bang nakaharang

O sadyang hindi ka pa handang

Tumaya

Sumugal para sakin.


Bakit hindi ka pa dumadating?

Papunta ka na ba

O nag-iisip kung pupunta pa

Ayoko sana dito mag-isa

Kaya lang, ako yung nauna.


Wag ka naman sanang dumating

Ng ako naman ang wala na

Lagpas-lagpas na kasi

Sa oras na akala'y dadating ka

At dahil walang anumang pasabi

Naghintay yata ako sa wala.


Dadating ka pa ba?

Baka naman hindi na

Baka na-detour lang

Baka parating na...


Sige, konting minuto pa.


12.20.2024

2040 hrs

Crumbs

At tuwing nasisiguro kong

Tayo ay masaya na

Tsaka mo naman pinapaalala

Na walang "tayo" pala.


12.16.2024

0003 hrs

Friday, September 13, 2024

Usual

Yung mga taong mahal natin

Usually, alam nila kung pa'no tayo sasaya.

Pero bakit di nila magawa?

Simpleng kamusta, magkita

Mag-alala kahit papano

Mga galaw na may pagkukusa.

Di pinapaalala,

Di sapilitan.

Walang bahid ng pagtatampo

O pagdadalawang-isip

Kasi tayo naman

Iniisip na sila mula pagkagising

At iisipin uli hanggang pumikit nang mga mata

Sana, sana

Bakit ba hindi sila ganon?

Ano pa ba'ng kulang

Bakit hindi ganon?


9.13.2024

1307 hrs

Friday, August 9, 2024

Napakadaya mo

Hindi mo naman ako hinintay sumagot

Kung gusto ko rin ba 

Maghiwalay tayo

Nagdesisyon ka na akala mo

Yun lang ang alternatibo.


Nung sinabi ko na nahihirapan ako

Di naman ibig sabihin

Pakawalan mo na ako

Dahil kahit maraming sakit

Kaya ko naman paminsang pumikit.


Maniniwala ako kung

(Sapilitang) sasabihin mo

(Matagal ko nang hinihintay 'to)

Pinipilit kong maintindihan

Kahit tanggap ko ang totoo

Hindi naman talaga naging tayo.


8.9.2024

1454 hrs


Tuesday, May 21, 2024

10pm Relapse

 Last night my eyes are crying because my brain keeps repeating "Please tell God... I wanna die na."

Tawag

 Kung makakapalag lang ang telepono ko

Sasabihin nito na

"Mahalin mo naman ako."


Araw-araw ko naman sya kasama

Pero wag syang umarte

Hindi ko sya naaalagaan

Palaging nahuhulog

Paulit-ulit nababasag

Nakakalimutan at naiiwan.


Hindi ko nga sya mahal

Pero kailangang-kailangan.


Sana nga hindi kami pareho ng telepono

Hindi mahal pero kailangan

Pinipiling kasama

Di dahil mahirap iwanan

Kundi dahil wala lang dumarating na pagpipilian.


5.14.2024 12nn

Thursday, May 2, 2024

Kwentong echos

Nung bata ako, hirap ako sabihin kung ano ang gusto ko. Palagi ko iniisip yung sasabihin ng iba.


Ngayon na medyo malaki na ako, nasasabi ko na ano'ng gusto ko, pati yung kung sino at paano. 


Pero... 


Hindi pa rin pala iyon sapat. Di dahil lang sa nasabi ko, ibig sabihin makukuha ko na ito. Walang pinagkaiba. Ang naituro lang ng panahon ay kung paano ko tanggapin na minsan, kahit anong gusto, at kahit anong pilit ko, kailangan kong buksan ang palad ko at pakawalan amg mga bagay na inaasam o pinagdarasal ko.


Dahil siguro, kung para nga sa akin, babalik rin naman ito. At kung hindi, bahala ka sa buhay mo. Wala ka ng mahahanap na katulad ko.